Me: "Wala"
Them: "Ay bakit wala?"
Me: "............."
Sana na natigil na lang dun sa "wala". Ang hirap kasing mag paliwanag dun sa follow up question na "bakit" kasi hindi ko alam kung sigurado ako sa isasagot ko, o kung tama ba yung sasabihin ko na maiintindihan ng kausap at matanggap nya ang paliwanag ko at matigil na sa topic na yan ang usapan. Nung mga unang taon ng buhay may asawa ko, ang tanong kung may anak na ba ako. Ngayon kung ilan na daw ang anak ko.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong tinanong kung bakit. Hindi ko na rin maalala kung ano yung mga nasagot ko. Basta natandaan ko lang yung tumahimik lang ako, o ngumiti na lang ako kasi hindi naman na mahalagang i record ko pa sa isip ko yung mga nasabi ko.
Dun sa mga nagtanong sakin kung meron ba akong anak, at sinagot ko ng wala, at hindi na nag tanong ng "bakit" gusto ko silang yakapin. Kesehodang na feel nila ako o hindi sila interesado, sa mga sandaling iyon, napa bulong ako ng maiksing panalangin na sana lahat ng tao tulad nila. Natanggap na lang nila na wala. Wala pa or wala talaga. Hindi na mahalaga sa kanila. Kasi tao din naman ako, babae, at hindi iba sa karamihan.
Ang hirap. Walang salitang kayang makapagpaliwanag ng nararamdaman ko. Hindi rin ito maiintindihan ng karamihan lalo na ng mga babaeng hindi dumaan sa ganito. Lalo na ng mga taong hindi bukas ang isip na hindi lahat ng bagay ay nangyayari lang ng ayon sa gusto nila o yung pangkaraniwang na sa lahat. Hindi ganun eh. Minsan may mga tao na naiiba ang landas na tinatahak. Pinili nila o hindi. Hindi lahat ng buhay ng tao pare pareho. Hindi lahat ng babae pinanganak ng may perpektong matris. At kahit ayaw nilang maniwala hindi lahat ng babae ginustong magluwal ng tao sa mundong ito.
Pero ganun pa man, gusto ko pa ring sagutin yung tanong nila sa paraang tatanggapin nila at maiintindihan. Kaya lang hindi ko alam kung paano. Bago pa kasi ako maka isip ng salita, bago pa ito mabuo sa mga bibig ko, nauuna na makaramdam ng sakit, lungkot, pagluluksa, galit at pagkalito ang buong katawan ko. Lahat yan, sabay sabay na mararamdaman ko habang pina process ng isip ko yung gusto kong ipahiwating sa tanong na ito.
Sa mga pagkakataong sumasagot ako ng "wala po eh" sa mga tanong na "bakit", alam ba nilang mas masakit yung mga unsolicited na payo at mga side comments:
"Hindi buo ang pamilya pag walang anak"
"Bilis bilisan nyo, napag iiwanan na kayo!"
"Try nyo yung ganitong position!"
"Bilis bilisan nyo, napag iiwanan na kayo!"
"Try nyo yung ganitong position!"
" Sumayaw kayo sa Obando!"
"Uminom kayo ng ganito, at kumain ng ganito, 3x a day!"
"Pahilot ka kay Mang Kepweng, magaling yan!"
"Mag ampon kaya kayo!"
At isang libong version ng ganito: "Ah dadating din yan, si kapatid ng hipag ng kapitbahay ng pinsan ng empleyado ng barangay, after 14 years nag ka anak din, kaya wag ka mawawalan ng pag asa!"
At kasabay ng mga sandaling ito,sa isang sulok ng puso ko, hinihiling ko na lang na kainin ako ng lupa, o kaya biglang lumindol para makaligtas sa napa ka uncomfortable na sitwasyon na ito.
Bakit ba ganun? Kahit ano, wag lang wala.
Dahil akala nila wala akong problema? Maraming pera, walang stress at puro sarili lang ang iniisip. Dahil gusto nila maranasan ko din yung mga hirap nila kaya ayaw nilang magtapos na lang sa wala? Mahirap din yung wala. Yung tuwing magbubukas ka ng Facebook makikita mo yung pangarap mo napakadaling nangyayari sa lahat, tapos ikaw parang pinagdadamutan ng tadhana. Yung sa lahat ng okasyon sa bawat buwan ng taon, ipapaalala sayo na may kulang sa buhay mo, hindi ka kumpleto, walang kang ambag sa lipunang ito hanggang hindi ka nagsisilang ng buhay sa mundo. Hindi man nila sinasabi pero iyon ang mensahe. Kaya ba ayaw nila sa sagot na "wala"?
Wala naman na akong magagawa. Sa ganang akin, alam kong hindi ganun. Ayokong maniwala na ang buhay ng isang babae ay bibigyang kahulugan ng reproductive organs nya, o ng desisyon nya sa buhay na magka anak. At sa mga taong tanggap ako sa kabila ng aking kawalan, mahal pa rin nila ko, salamat sa inyo. Mahal ko rin kayo ng dalawa at kalahating beses. Salamat sa malawak ninyong pang unawa at mabuti ninyong puso.
Sa ngayon, pagpasensyahan nyo na lang kung hindi ko sinasagot ang tanong nyong bakit. Bahala na kayong magbigay ng dahilan at hanggang maari sa sarili nyo na lang. Sa akin, hindi na man na iyon mahalaga...
No comments:
Post a Comment
Thank you for reading my blog and I love you for your comment!